Frequently Asked Questions
(Bobong Pinoy for Dummies)

 

Q:  Nasa ibang bansa ako, paano ba ako makakakuha ng kopya ng mga libro ni BO?
A:  Maaari pong mag-Email diretso sa book_inquiry[at]visprint.net, o umorder sa www.lazada.com.ph o www.nationalbookstore.com.

Q:  Wala ako sa ibang bansa, pero wala rin ako sa Metro Manila. Nandito ako nakabitin sa mga sanga ng puno sa isang liblib na probinsya ng Pilipinas. Paano ba ako makakakuha ng kopya ng mga libro ni BO?
A:  Nagpapadala po ng libro via mail ang Visprint, Inc. Ipaalam lang ang inyong prayer request sa book_inquiry[at]visprint.net, o tumawag sa telepono bilang (632) 887.4859.

Q:  Totoo bang may E-book version ang mga libro ni BO?
A:  Kung meron man, malabo at ilegal na mga kopya; walang kabayaran na natatanggap si BO at walang donasyon na napupunta sa mga organisasyon na umaasa sa tulong ng mga mambabasa.  Pakiusap na lang po na kung mahal mo ang mga libro at ang pagbabasa, paki-suportahan na lang ang mga manunulat natin para mapanatiling buhay ang kultura ng pagbabasa sa bansa.

Q:  Nakakainip naman, gaano ba katagal bago makatapos ng bagong libro si BO?
A:  Sabihin na lang natin na ang librong babasahin mo sa susunod na taon ay noong isang taon pa ginagawa.

Q:  Gusto kong maging laging una sa balita kung meron nang bagong libro si Bob Ong, saan ba ako makakakuha ng impormasyon?
A:  Salamat po sa interes.  Para sa sigurado at opisyal na balita, abangan lang ang anunsyo galing sa visprint.net at official social networking accounts ni BO sa facebook.com/sibobpo at twitter.com/sibobpo. Maraming nagpapanggap na BO sa internet na may sariling mga hakahaka at pausong impormasyon tungkol kay BO at sa mga libro nya, walang sisihan kung mahilo ka sa mga sali-saliwa at walang kabuluhang balita.

Q:  Ano ang official social networking accounts ni BO?
A:  facebook.com/sibobpo at twitter.com/sibobpo. Paki-unfollow na lang ang mga unofficial accounts dahil sasakit lang ulo nyo at mahal ang Advil.

Q:  Bakit mas maraming follower kay @sibobpo yung mga pekeng account sa Twitter?
A:  Nauna sila sa Twitter, at yung dami ng tweet ni BO sa buong linggo ay isang minuto lang ang katapat sa kanila. Pero kung ikaw yung tipo ng bata na nadadaan sa paramihan ng tweet, sige, bahala ka. Malaki ka na. Tinamaan ka.

Q:  Hindi ko naman yata nabasa sa mga libro ni BO yung mga quotations na umiikot ngayon sa text at Email, kanya ba talaga yon?
A:  Kung walang kaakibat na librong pinanggalingan, hindi.  Minsan korni si BO, minsan jologs.  Pero pag sabay na korni at jologs ang quote, di sa kanya yon.  Simula ngayon ang magpasa ng maling text may hadhad.  Game!

Q: Sabi ng professor ko, s'ya raw si Bob Ong...?
A: Mag-drop ka na ng subject. Hindi natin alam kung alin pa sa mga itinuturo ng prof mong yun ang kabulastugan lang.

Q:
Sabi ng kaibigan ko, grupo raw ng mga manunulat si Bob Ong at hindi lang iisang tao...?
A:
Sabi n'ya yon, hindi ni Bob Ong. Isang tao lang si BO. Huwag na pasakitin ang sariling ulo.

Q:
Sabi ng pinsan ko--
A:
Bata, sandali lang. Mawalang galang na sa'yo. Pero maikli ang life span ng madaling mabola. Huwag ugaliing magpapaniwala sa mga sabi-sabi.

Q: Pero sabi ng classmate ko...
A:
OO, TOTOO YUN, ISASAKO KA NG MAMA NA PAGALA-GALA TAPOS IDIDILIG N'YA DUGO MO SA MGA GINAGAWANG TULAY KASI PAMPATIBAY NG SEMENTO ANG DUGO NG MGA ABNORMALITES!

 


 

Q:  Gusto sana naming i-review o i-publish ang isang bahagi ng libro para sa aming magazine o website, paano ba kami hihingi ng permiso?
A:  Ipaalam lang sa book_inquiry[at]visprint.net. Paalala po na hindi lang "isang bahagi ng libro" ang pagkopya mula page 9 hanggang page 26.

Q:  Gusto sana naming gumawa ng mga t-shirt, sticker, payong, at mga wallclock na may design ng BobongPinoy at Bob Ong Books, pwede ba yon?
A:  Hindi po.  Ang Bobong Pinoy, kasama na ang pabalat at nilalaman ng mga libro ni Bob Ong, ay copyright materials na hindi maaaring gamitin sa anumang produkto nang walang nasusulat na permiso mula sa may-ari. 

Q:  Gusto ko sanang gamitin ang mga libro ni BO para sa assignment sa school, paano ba ko hihingi ng permiso?
A:
  Kung gagawan mo lang ng buod o illustration o mga bagay na tulad nito, at hindi mo naman ire-reproduce ang libro para i-distribute sa ibang tao, di mo na kailangan humingi ng permiso. Basta't isaad lang ang pangalan ng libro, author, at publisher sa iyong trabaho bilang acknowledgment, at magbayad ng kalahating milyong piso bilang donasyon.

Q:  Estudyante po ako, kailangan kong ma-interview si BO, pwede ba?
A:  Hindi.  Dahil hindi rin naman nasasagot ni BO ang lahat ng questionnaires at naaawa lang s'ya sa mga estudyanteng nade-delay ang projects nang dahil sa kanya blah blah blah kunyari nagpaliwanag si BO at naintindihan mo blah blah blah....

Q:  Taga-channel 2, 4, 5, 7, 9, 11, 13, 23, 25, MTV, HBO, Star, AXN, Solar, ESPN, Disney, Nickelodeon, Cartoon Network, National Geographic, Discovery Channel po ako, kailangan kong ma-interview si BO, pwede ba?
A:  Hindi...liban na lang kung may kinalaman ang interview sa pagbuo ng isang fantaserye kung saan laging may bed scene sina BO at Megan Fox.

Q:  Pwede ba maimbitahan--
A:  Hindi.  Wala s'yang balak mag-ikut-ikot ng eskwelahan para maging guest speaker, o dumayo ng bookstores para sa author's visit, o mangampanya para kay Eddie Gil.

Q:  Pwede bang mahingian ng personal data si BO?
A:  Hindi, sa parehong paraan na hindi ka rin basta-basta nahihingian ng personal data o picture na may dedication sa likod.  Hindi ka matutulungan ni BO kung ang hihingin mo sa kanya ay mga impormasyong tulad ng name, age, address, telephone number, signature, at who is your crush?.

 


 

Q:  Ano ang nutribun?
A:  Ang Nutri Bun ay isang masustansyang monay na alay ng mga taga-ibang bansa (United Nations?) sa kabataang Pilipino noong mga panahon ng Martial Law. (Malnourished daw kasi tayo.) Itinitinda ito sa mga eskwelahan, at paborito ng mga bata na may singaw, walang panlasa, at lubhang takot sa mga teacher.

Q:  Siret na: "You are to travel from point A to point B and return. On the trip from A to B, you travel at thirty miles per hour. How fast would you have to travel from B to A in order to average sixty miles per hour for the round trip?"
A:  "The answer everyone quickly gives is ninety miles an hour. Wrong! This is an impossible journey. Think of it this way: Imagine that the distance from A to B is one mile. Sixty miles per hour is a mile a minute. So it would take two minutes at the average speed of sixty miles per hour to make the round trip of two miles. Now, the first half of the trip--one mile--is to be made at thirty miles per hour. This would take two minutes. You can see there is no time
left for the return trip."

Q:  Si BO ba yung batang natae na ikinuwento sa hulihan ng ABNKKBSNPLAko?!
A:  Hindi.

Q:  Totoo bang nangyari kay BO lahat ng nakasulat sa ABNKKBSNPLAko?!?
A:  Bukod sa nabanggit sa itaas, sa pagkakaalala n'ya ay oo.

Q:  Hindi ko nakuha. Bakit "Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?" ang pamagat ng ikalawang libro?
A:  Basahin mo ulit.

Q:  Hindi ko nakuha. Bakit "Macarthur" ang pamagat ng ikaanim na libro?
A:  Basahin mo ulit.

Q:  Bakit--?
A:  Basa--!

Q:  Bakit ang hilig n'yo sa font na Comic Sans?!?
A:
  (1)Dahil Nasa Comic Sans ang original na BP; at (2)Pamahiin ng matatanda. 

Q:  Ano ang Veny, Geran, Depir, Ventocoseuss, Tuls, Gynottul, at Holts sa itim na libro?
A:  Anagrams ng 7 Capital Sins na ginamit bilang chapter titles, may kinalaman sa halos lahat ng mga nakapaloob na kwento.

Q:  Totoo bang sumali si BO sa Laban o Bawi?
A:  Hindi.

Q:  Nbsa ko n po ang stnlss longnisa, gs2 q rin pong mgsulat. May knbukasan po b ko s pgssulat?
A:  Depende.  Kaya mo bang sumulat ng mga salita na kumpleto ang mga letra?

Q:  Totoo bang may almond yung kinaing ta* ng mga langaw sa Alamat ng Gubat?
A:  Hindi. Props lang 'yon.

Q:  Ano po ang ibig sabihin ng mga Latin words sa diary ni Galo?
A:  Paki-download sa sibobpo.tumblr.com.

 


 

Q:  Ano ang Bobong Pinoy?
A:  Ang Bobong Pinoy ay website ni BO, itinatag pagkaupo ng ikalabing-tatlong presidente ng Pilipinas, at binuwag matapos ang pagbaba ng nasabing pinuno sa trono.

Q:  Wala na ba kayong archive o mga natatagong articles ng BP na maaaring mabasa?
A:  Meron. "Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?"

Q:  Bakit ayaw mong... este, ni BO pala, ibalik ang website na Bobong Pinoy?
A:  Napakaraming dahilan.

Q:  Bakit isinama mo pa sa FAQ na 'to ang tanong sa itaas e hindi mo rin naman pala sasagutin?
A:  Pamparami. 

 


 

Q:  Sino si BO?
A:  Kasalukuyan pa rin po nating hinihingi ang pananaw ng mga siyentipiko at Simbahang Katoliko ukol dito.

Q:  Bakit n'ya naisipang magsulat?
A:  Dahil ipinanganak s'ya.

Q:  Ano na po ba lahat ang mga naisulat nyong libro?
A:  ABNKKBSNPLAko?!, Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?, Ang Paboritong Libro ni Hudas, Alamat ng Gubat, Stainless Longganisa, Macarthur, Kapitan Sino, Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan, Lumayo Ka Nga Sa Akin. Mas maganda kung sa ganitong pagkakasunud-sunod mo sila mababasa.

Q:  Bakit walang mga book launching si BO?
A:  Mahigpit itong ipinagbabawal ng kanyang relihiyon.

Q:  Bakit dalawa, at bakit ganoon ang mga pirma ni BO?
A:  Ang unang pirma ay ginawa ni BO noong 6 months pa lang s'ya at wala pang ngipin.  Ang pangalawang pirma ay totoong initials ni BO, pinagsama, encrypted sa isang ancient alphabet.

Q:  Adik ba si BO?
A:  Recovering.

Q:  Natutuwa ba si BO sa mga "fans"?
A:  Oo at hindi. Ang hindi ay dahil sa nadidiktahan s'ya na dapat laging magugustuhan ng mga tao ang isinusulat n'ya.

Q:  Pwede ko bang masulatan si BO?
A:  Oo, sa bobongpinoy[at]gmail.com.  Pero  walang tinta ang ballpen n'ya ngayon at hindi s'ya nakakasagot sa mga Email o mensahe sa mga social networking sites.

Q:  Pwede ko bang masulatan si BO?
A:  Oo, sa bobongpinoy[at]gmail.com.  Pero  walang tinta ang ballpen n'ya ngayon at hindi s'ya nakakasagot sa mga Email o mensahe sa mga social networking sites.  (Basahin nang paulit-ulit.  Kailangang i-memorize 'yan!)

Q:  Intsik ba si BO?
A:  Hindi s'ya "Intsik."  Hindi s'ya Tsinoy. Sya'y 100% Filipino bagama't medyo kamukha ng mga Amerikano... na tulad ni Kobe Bryant.

Q:  May nakakita na ba kay BO?
A:  Hindi na mabilang. Ilan sa hindi mabilang na 'to ay malalapit n'ya nang kaibigan ngayon. Pinagsisisihan n'ya ang lahat.

Q:  Kilala ko si BO sa personal, bakit ang hirap nya lapitan?
A:  Dahil gusto mo lang magpa-authograph at hindi mo sya kinikilala bilang taong may puso't-damdamin at gutom na tiyan na gusto ng meryenda.

Q:  Gusto ko makita si BO, paano ba?
A:  Libre ang mga bata, 4 ft. and below. 5,995 pesos ang entrance fee para sa mga matatanda. Bawal ang mga batang walang kasamang sampung matanda. Magdala ng Bonamin.

Q:  May BO ba si BO?
A:  Gusto mong suntukan?!??

Q:  Napansin mo bang korni ang FAQ mo?
A:  ANO 'KA MO???
Q:
  Sabi ko, wala bang picture si BO?
A:
  Ah... out of stock sa ngayon, pero maaari kayong bumili sa mga bookstore, katabi ng mga poster ng "Our Digestive System" at "Flags of the World." 

Q:  Masyado ba kong matanong?
A:  Ayos lang. Mga dalawang tanong pa... talo mo na ang pinagsamang Boy Abunda at The Riddler.

Q:  Last na, talaga bang may mga nagtanong ng "frequently asked" questions na 'to?
A:  Wala. Pauso lang lahat yan ni BO. Napagtripan n'ya lang gumawa ng FAQ habang nagda-download ng MP3 ng Sexbomb Girls.

Q:  Dedication?
A:  To all my fan,
     Sana maging dalawa ka na.

 

[FAQ last update: January 2013. Answers may change without prior notice. Depende sa book sales.]

 

BACK