| Message: |
SINASABING ang manunulat ay "mambabatas ng
daigdig" at "direktor ng konsensiya" ng bayan kung kaya
hindi lamang siya dapat na maging matapat na
tagapaglarawan ng buhay, kundi dapat ding maging
pinakamahigpit na kritiko nito. Ang talikdan niya ang
tungkuling ito at, sa halip, maging tagabenta lamang
siya o tindera ng mga kasinungalingan at kahangalan sa
palengke ng lipunan ay isang napakalaking kasalanan
hindi lamang sa kanyang sarili kundi maging sa buong
sambayanan. Higit sa lahat, kinakailangan ng manunulat
na maging matapat sa kanyang sarili, upang
mapangatwiranan niyang may karapatan siyang ipabasa
sa sambayanan ang kanyang obra--tula man iyon,
kuwento o nobela, dula man o sanaysay o artikulo at
maging balita.
Sa nagdaang dalawang dekada ng pasista't
diktaduryal na rehimeng Marcos, hindi iilang
manunulat--lalo na sa larangan ng peryodismo--ang
waring inurungan ng bayag bagaman, sa isang banda,
maikakatwirang sinensor ang kanilang sinulat o walang
publisistang maglathala ng mga iyon. Mapapatawad ang
manunulat kung totoo ang kadahilanang ito, ngunit
kung sinadya niyang sumakay sa ruweda ng panlilinlang
at ang pinakatotoo marahil sa kanyang sinulat ay ang
kanyang pangalan na kung minsa'y hindi pa rin
totoo, makabubuti pa marahil na itinapon niya sa
basurahan ang kanyang makinilya at baka mapakinabangan pa ng mga magbobote't magbabakal at ang
mapagbibilhan ay maibili man lamang ng tinapa't
galunggong at ilang salop na bigas. Maaaring ituring
pa siyang bayani kung pinutol niya ang kanyang mga
daliri kaysa maging kasangkapan iyon ng panloloko sa
sambayanan ng masusugid na tagapagtaguyod ng bulok
at mapambusabos na status quo at ng mga basalyos ng
inhustisya't pagsasamantala, ng paninikil at kalupitan,
ng pang-aalipin at pagmamalabis sa kanilang
kapangyarihan. Kung naduwag man siya, makabubuti
pa marahil na hindi na siya sumulat at maaaring
mapagkamalan lamang siyang tamad o kinakalawang
ang utak.
Maging sa kasalukuyan, hindi maitatatwang
marami pa ring mga obrang iniluwa ng mga vendo
machine at naghambalang sa mga bangketa na
diumano'y para sa larangan ng sining ang puwedeng
ihalo sa darak at ipakain sa mga baboy. Naglulunoy pa
rin ang mga ito sa kababalaghan at kabalbalan sa
swimming pool ng mga Captain Barbel at Darna at ng
mga salamangkero at drakula at aswang, o nag-papakalunod kaya sa masabaw at malibog na pag-iibigan
habang sa kabilang banda, nagdudumilat ang
malapulmonyang mga sakit ng bayan na hindi na basta-basta magagamot sa pamamagitan ng mga karaniwang
tabletas gaya ng decolgen at aspirina. Sa ganitong mga
paksang nilalangaw at inuuod sa poso negro ng
panitikan, wala kaming masalat ni gahiblang dahilan
upang sabihin na ang kinauukulang mga manunulat ay
naging matapat na tinig ng budhi ng bayan. Kung tunay
ngang tagapaglarawan at tagapagsalita ng kani-kanilang
panahon ang mga manunulat--gaya halimbawa nina
Marcelo del Pilar at Lopez Jaena at Jose Rizal noong
panahon ng pananakop ng mga Kastila, o ng mga
Amado Y Hernandez at Lazaro Francisco ng kanila
namang panahon--ano, kung gayon, ang dapat namang
isatinig ng kasalukuyang henerasyon ng mga
manunulat?
Matagal nang inilalampaso ang bayan sa sariling
kalbaryo. Habang mga gulugod-dikya at may kaisipang
alipin ang mga namumuno sa gobyerno at parang mga
pulgas na ayaw humiwalay sa kolyar ng imperyalismong
Amerikano, hindi malayong lumawak ang impiyerno
ng mga busabos mula Tundo at Sapang Palay hanggang
sa bawat sulok ng kanayunan habang, sa kabilang banda,
sa palasyo ng iilang makapangyarihan, maimpluwensya't
mapribilehiyo, ginagawang pamunas lamang ng puwit
at paa ang dignidad ng sambayanan samantalang sa mga
dambuhalang pabrika't korporasyon, nilalamon ang
ugat ng braso't dugo ng mga trabahador, binubusabos
nang husto at pinasusuweldo nang hindi pa sapat na
pambili ng kahit palotsinang kabaong; at sa mga
kanayunan naman ang mga magsasaka'y parang mga
kalabaw lamang na itinatanikala sa lupa, at tulyapis
lamang at ilang subong kanin ang gantimpala. Sa
kalunsuran, habang parang mga baboy na inuulaol ng
mga diyus-diyosan ang kayamanan ng bayan at
binubutas ng mga punglo ang mga utak at dibdib ng
pagtutol, at pinuputulan ng dila ang laksang tinig ng
paghihimagsik, makokonsensiya pa kayang awitin ng
kasalukuyang henerasyon ng mga manunulat ang mga
buwan at bituin, o magagawa pa kaya niyang
makipagsarsuwela sa mga puwersang umaalipin at
bumubusabos sa sambayanan? Sa kabila ng mga
problemang pangkabuhayan at panlipunan--mulang
doble-karang hustisya hanggang palsipikado't
kinakalawang na demokrasya--magagawa pa kayang
aliwin ng mga manunulat ang sambayanan sa
pamamagitan ng pagsasakay sa mga ito sa mga
saranggola ng pantasiya't kababalaghan upang dalhin
sa daigdig ng mga multo at agimat at lunurin pagkatapos
sa balon ng mga pangarap?
Sa yugtong ito ng maagiw na kasaysayan ng bansa,
ang kasalukuyang henerasyon ng mga manunulat ang
unang-unang dapat makahulagpos sa sapot ng
pambubusabos sapagkat nasa kanyang pluma at papel
ang maso't pandayang huhubog sa panitikan at kultura,
kundi maging sa ideolohiyang pangkabuhayan at
pampulitika. Ang tinig niya'y tinig ng sambayanan. Ang
dignidad niya'y dignidad ng bayan. -
Rogelio Ordoņez
Ani, Cultural Center of the Philippines
Hunyo l987 |