|
"WHAT'S THE PROBLEM???" ang tanong ng boss ko sa isang katrabaho. Kasama ako sa sasakyan na hindi makaalis-alis dahil sa red tape. Mukhang naghihintay pa ng pampadulas ang mga kinauukulan. Kuripot ang amo kong banyaga. Hindi nagbitiw kahit singkong duling. Makakalabas daw kami sa gate nang hindi nagbabayad ng kung anu-ano dahil yun daw ang legal. Ma-prinsipyo. Bilib ako.
"That's
why the Philippines remain so poor!" sabi n`ya. Mainit, pagod kami,
at medyo bwisit. Doon nag-umpisa ang bwisit na kwentuhan.
Na-culture
shock daw s`ya sa Pilipinas pagtapak n`ya dito anim na taon na ang
nakalipas. Laganap daw ang lagayan... at hindi sa pamamaraang patago.
Hindi n`ya maintindihan kung bakit pumapatol daw tayong mga Pilipino sa
ganito, gayong tayo rin ang nahihirapan. Kaya may mga nangongotong,
dahil may nagpapakotong.
Tinahak namin
ang Navotas papuntang pier. Akmang-akma ang lugar para lalo akong
balahurain ng employer ko.
"(Metro) Manila is one of the dirtiest cities in the world," sabi
n`ya. Parang musika sa tenga ko ang sinabi n`ya. Muntik ko na nga s`yang
ilaglag sa sasakyan. Pero mas malakas ang sipa ng katotohanan. Madumi
nga yung lugar na `yon. "And it stinks, too!" dagdag n`ya.
Maganda nga ang
tanawin sa aming paglalakbay. Mga batang walang panty at nilalangaw ang
mukha. Mga kalalakihang walang t-shirt at bagsak ang katawan sa droga.
At mga kababaihang abalang-abala sa pagpapasuso sa sampung anak.
Ayos din ang mga tenement. Sa malayo mukhang mga rectangular na
smokey mountain. Sa malapit mukhang bangungot.
`Yan ang view
sa kaliwa namin. Gusto ko sanang tukuran ang mukha ng boss ko para wag
nang makalingat sa kanan kung saan mas maraming peklat ang Pilipinas,
pero nakita n`ya pa rin: mga basura, bahay, at bata na hindi mo malaman
kung ano ang alin dahil sa kapal ng itim na usok ng mga sasakyan. Marami
s`yang komento, sinabi ko na lang, "Well, what do you expect from a
third world country?" Talo na `ko. Tama na ang yabang.
Pinag-usapan
namin ang tungkol sa negosyo n`ya... na nauwi na naman sa gobyerno natin.
Sandamukal daw ang mga buwaya, red tape, graft, at corruption dito.
Tinanong ko kung baka dahil lang sa dayuhan s`ya kaya s`ya ginagatasan.
Ang sagot n`ya: "No, Filipinos do it even to other Filipinos!"
Kitang-kita ko ang pagbagsak ng bandera ng Pilipinas sa sinabi n`ya,
naramdaman ko pa ang pagtama ng flag pole sa ulo ko!
Maiintindihan
n`ya raw kung mahihirap ang magnanakaw. Pero sa bansa natin, mga
mayayaman ang malilikot ang kamay... mga edukado, titulado, at nasa
gobyerno. No, Filipinos do it even to other Filipinos... No, Filipinos
do it even to other Filipinos... No, Filipinos do it even to other
Filipinos... Patuloy ang pagtugtog nito sa isipan ko.
Ikinuwento n`ya
rin ang ginawa sa kanya ng isa n`yang empleyadong Filipina. Pinagbalakan
s`yang pikutin nito. Oo nga naman, instant fortune `yon kung
saka-sakali. Mahahango sa hirap ang pinay na `yon at ang kanyang pamilya.
Aba, andami na nating success stories na ganyan! Kahit ang dating leader
ng bansa, ganyan ang konsepto ng pag-unlad.
Napag-usapan
ang kultura, ang sex. Mababa rin ang tingin n`ya sa mga Filipina. Sabi
ko e marriage before sex ang kultura sa Pilipinas. Umiling s`ya, Pinoy
daw mismo ang nagsabi sa kanyang pakawala ang mga babae dito at mag-e-enjoy
s`ya. Sabi ko, "Those are whores and the guy who told you that is a
pervert." Professional at kakilala ko pa pala ang nagkwento sa
kanya. Asshole.
Totoo ang mga
kwento ng boss ko. Nakakangilo sa ngipin, pero totoo. At bagama't
nakakapikon s`ya minsan e mabait at mabuti s`yang tao. Sa bayan nila,
hinihikayat ang mga tao na umunlad. Dito raw sa atin, pag umuunlad ang
tao, hinihila pababa. Nakakatakot mag-negosyo kasi yari ka sa mga "tauhan
ng gobyerno.” Pag nakitang namumunga ka, babatuhin ka nang babatuhin
hanggang sa malaglag ang mga prutas mo. Walang pinagkaiba kung legal o
ilegal ang negosyo mo, maglalagay at maglalagay ka rin sa mga
kinauukulan. Bakit ka pa magli-legal???
Hindi na
importante kung ano ang negosyo at bayan ng amo ko. Hindi na rin
pinag-uusapan dito kung "racist" s`ya o mas maraming
kapintasan ang bansa nila. Ang issue dito ay "tayo." Hindi ako
naiinis sa mga sinabi n`ya. Naiinis ako dahil TOTOO ang mga sinabi n`ya.
Sa pag-uwi ko
sa bahay naisip ko, bakit ang Hong Kong at Singapore, hindi naman
gaanong nabiyayaan ng likas na yaman pero maunlad? Bakit ang mga Hapon,
bobo mag-English pero mayaman? Sa Pilipinas kahit bawal magtinda sa
sidewalk, may nagtitinda. Kahit bawal magtapon ng basura kung saan-saan,
meron pa ring tapon nang tapon. Paano pa kaya uunlad ang bansa natin
n`yan?
Disiplina lang
kaya talaga ang problema sa `tin? Sigurado akong kahit sa mga sandaling
`to, may isang Pilipino na bumabasa ng nakasulat dito kahit na sinabi
nang bawal ito basahin. Tigas talaga ng ulo! - The
Philippine Post
|