Mark Angeles

mark-angeles

Pinatunayan ni Mark Angeles o Makoy Dakuykoy na may lugar sa panitikan ang mga hampaslupang tulad niya. Naging writer-in-residence siya sa International Writing Program ng University of Iowa, USA noong 2013. Gayundin, sa parehong taon, nakatanggap siya ng mga pagkilala mula sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) bilang Mananalaysay ng Taon, sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature para sa kanyang koleksyon ng mga tula, at karangalang-banggit mula sa PBBY-Salanga Prize para sa kanyang kwentong pambata. Nang sumunod na taon, nakapitas siya ng mga gantimpala sa Makata ng Taon at Mananalaysay ng Taon. Dahil sa sariling kayod, nalimbag niya ang mga koleksyong Patikim (2009), Emotero (2011), Threesome (2012), at Lipad ng Uwak (2013). Nilathala ng Lampara Books ang kanyang unang aklat pambatang Si Znork, ang Kabayong Mahilig Matulog. Ipinamamahagi naman niya ng libre ang kanyang una sa apat na seryeng zine na Higit sa Lahat. Interbensyon niya sa K-12 ang mga isinusulat niyang akdang pampanitikan para sa mga teksbuk ng University Press of First Asia (Diwa Asia Publishing Group). Naging vice president for Luzon siya ng College Editors Guild of the Philippines. Sa kasalukuyan, features contributor siya sa GMA News Online at co-coordinator ng Kataga Manila. Kolumnista siya ng Pinoy Weekly (ATTACKKK!), literary editor ng bulatlat.com, at editor-in-chief ng Manila Today.